Bilang pagsunod sa probisyon ng Bayanihan to Heal as One Act, isinumite ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, Mayo 11, sa Joint Congressional Oversight Committee ang kanyang ika-pitong report kaugnay sa mga ginagawang hakbang laban sa coronavirus diseae 2019 (COVID-19) crisis sa bansa.

Batay sa 44 pahinang report, inilahad ng Pangulo ang mga update at ginagawa ng kanyang administrasyon sa pagtugon sa problema sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ng Pangulo na nakatutok ang gobyerno sa apat na mahahalagang aksiyon sa layuning mapagaan ang pinapasang sakripisyo ng maraming Pilipinong apektado ng COVID-19 crisis.

Kabilang dito ang pamamahagi ng (1)emergency assistance sa lahat ng naapektuhang sektor ng lipunan; (2) pagtukoy ng ligtas na pasilidad para sa health sector at mga frontliner; (3) pagtatatag ng matatag na fiscal at monetary action na angkop para sa lahat ng stakeholder ;at (4) pagbalangkas ng sustainable recovery plan.

Tampok sa report ng Pangulo ang pagbibigay update nito sa Kongreso sa pamimigay ng emergency cash assistance sa mga mahihirap na pamilya sa ilalim ng Social Amelioration Plan (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Bukod pa dito ang COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) para sa mga naapektuhang formal worker, at CAMP Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) para sa mga overseas Filipino worker na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.

Mayroon ding Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged Diplaced Worksrs (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE) at tulong pinansiyal para sa mga magsasaka .

Iniulat din ni Pangulong Duterte sa Kongreso ang pagsasapinal ng DSWD sa mga guideline para sa may limang milyong pamilyang hindi nabigyan ng tulong sa unang tranche, at bina-validate na ang listahan sa pamamagitan ng cross-matching sa database ng gobyerno.