DUTERTE-ROBREDO TRUSTED PA RIN

Nangunguna pa rin sina Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Leni Robredo sa hanay ng mga opisyal ng gobyerno na may mataas na appro­val at trust ratings.

Ito ay base sa pinakahuling resulta ng survey ng Pulse Asia na ginawa noong Marso 15 na inilabas kahapon.

Gayunman, bagama’t nanguna ay bahagyang bumaba ang rating ni Duterte sa ­pinakahuling trust at approval ­rating kung ikukumpara sa ­rating nito sa Pulse Asia survey noong December 2016.

Alinsunod sa March 15-20, 2017 survey ng Pulse Asia na nilahukan ng may 1,200 respondents, umiskor si Duterte ng 78% approval rating at 76% na trust rating. Mas mababa kung ikukum­para sa December 2016 trust at approval rating na 83% at September 2016 na 86%.

Sumunod naman sa Pangulo si Vice ­President Leni Robredo na naka­kuha ng 58% approval rating, mas mababa ng 4% mula sa 62% noon ding Disyembre 2016. Ang trust rating ni VP ­Leni ay naitala sa 56% mula sa dating 58%.

Tanging si ­Senate ­President Aquilino ­Pimentel III ang nakapagpanatili ng approval ­rating na 55%, pero tumaas ang kanyang trust rating sa 51% samantalang si House Speaker Pantaleon Alvarez ay mayroong 40% approval rating, at bumaba ng isang puntos ang trust rating na naitala sa 37%.

Maging si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno ay buma­ba sa 42% ang ­approval rating at nakakuha ng 40% trust rating.

Sa performance ­ratings naman ay nakakuha ng ­pinakamataas ang Korte Suprema na 57%, kasunod ang Senado, 55% at Kamara, 50%.

Patas naman ang ­Supreme Court at Mababang Kapulungan ng Kongreso sa trust rating, na kapwa nakakuha ng 54%, habang ang Lower House ay 49%.

“The survey has a ± 3% error margin at the 95% confidence ­level, while subnational esti­mates for each of the geographic areas have a ± 6% error margin, also at 95% confidence level,” ayon sa Pulse Asia.