Duterte sa Abu Sayyaf Group: Mag-usap tayo

rody-duterte-

Nakiusap si Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte sa Abu Sayyaf Group (ASG) na itigil na ang paghahasik ng karahasan at sa halip ay sumuko at makipag-usap sa gobyerno.

Ang apela ay ginawa ng Pangulo sa kanyang pagbisita sa Jolo, Sulu noong Lunes para saksihan ang pagsuko ng ilang miyembro ng bandido at pagsauli ng kanilang mga armas.

Sa kanyang talum­pati, sinabi ng Pangulo na panahon na para sumunod ang mga Abu Sayyaf sa panawagan nito para hindi na kailangang humantong pa sa utos na bombahin ang mga ito lalo pa at mayroong 12 bagong fighter jets ang gobyerno.

Pero kahit aniya gaano kalaki ang galit nito ay ayaw niyang pumatay dahil hindi naman ito makakalutas sa problema s a lalawigan.

“I’d like to tell you now, if somebody is listening: Stop it. Stop it. I want to talk to you so that we can understand each other. Please try to do it my time. Because if it’s no longer under my time, it’s not within my control anymore. And even the military, I cannot say, ‘stop the ope­ration in the meantime or you slow down first to allow an atmosphere which is conducive,” anang Pangulo.

Inihayag ng Presidente ang kagustuhang makausap ang mga Abu Sayyaf para malaman ang kanilang senti­myento sa isinusulong na Bangsamoro Basic Law (BBL).

Pero nilinaw ni Pa­ngulong Duterte na hindi niya maaaring ibigay ang kontrol ng regional armed forces dahil mananatili ito sa Commander-in-Chief.

Nangako ang Pangulo na bibigyan ng maliliit na bahay ang mga susukong Abu Sayyaf basta bigyan lamang siya ng dalawang taon.

Sa ginanap na seremonya ay ipinresenta sa Pangulo ang 36 mga miyembro ng Abu Sayyaf sa sumuko sa gobyerno simula Enero 1 hanggang Marso 6.