Duterte sa AFP at PNP: Pag sumobra ako sa termino, barilin ninyo ako!

Duterte

Pinanindigan ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte ang posisyon na wala siyang balak na magpalawig ng termino sa harap ng isinusulong na pag-amiyenda sa Konstitusyon patungo sa pederalismo.

Sa kanyang talumpati kahapon sa Camp General Manuel T. Yan, Sr. sa Mawab, Compostela Valley, tiniyak nito sa mga sundalo na hindi niya inambisyong magtagal sa puwesto, taliwas sa pinapalitaw ng kanyang mga kritiko at ng oposisyon na kontra sa charter change o chacha.

Sinabi ng Pangulo na paulit-ulit niyang inihayag sa kanyang paglilibot na handa nitong paiksiin ang kanyang termino basta matiyak lamang na nailarga na ang pederalismo sa bansa.

Hinamon pa ni Pangulong Duterte ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na barilin siya kapag sumobra ng kahit isang araw sa kanyang termino.

“Pag ako sumobra sa aking termino, kahit isang araw lang, I am now asking the AFP or PNP not to allow me or anybody else to mess up with the Constitution. Trabaho ninyo ‘yan, to protect the Constitution and the people. Pag sumobra ang panahon ko kahit isang araw lang, barilin ninyo ako!” ang pahayag ng Pangulo.

Makailang-beses na ring itinanggi ng Palasyo ang banat ng mga kritiko na ang chacha ang magiging susi para ma-extend ang pananatili ng Pangulo sa puwesto.