Taliwas sa nakagawiang pag-uwi sa Davao City bago mag-weekend, mananatili muna si Pangulong Rodrigo Duterte sa Metro Manila para harapin ang hamon na hatid ng Coronavirus disease 2019 o COVID-19.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi aalis sa Malacañang ang Presidente para masubaybayan ang araw-araw na ginagawa ng mga ahensiya ng gobyerno sa pagharap sa krisis na hatid ng COVID-19.
Katunayan, ani Panelo ay pinapauwi na ni Madam Honeylet Avancena ang Presidente sa Davao City, subalit inihayag nito na mananatili muna ito sa Metro Manila.
Ikinatuwiran aniya ni Pangulong Duterte na ang Maynila ang mukha ng bansa kaya kailangang manatili ito hangga’t hindi natatapos ang krisis.
“Pinauuwi si Presidente ng kanyang kabiyak sa Davao, pero sabi niya hindi. ‘Alam mo ang mukha ng bansa ay ang Maynila, kailangan ang Presidente ay naririto, kaya hindi ako uuwi. Dito muna ako hanggang hindi natatapos ang emergency.’ Hindi na siya aalis ng Malacañang,” ani Panelo.
Kaugnay naman sa posibilidad na mag-self quarantine ang Pangulo dahil nakatabi nito ang ilang miyembro ng gabinete na nag-self quarantine na matapos ang isang dinaluhang aktibidad noong Marso 5, sinabi ni Panelo na nakadepende ito sa magiging resulta ng COVID-19 test nito na ginawa nitong Huwebes.
“Depende nga sa ano, ‘di ba nagpa-test na nga muna siya. ‘Pag nagpa-test ka, eh siyempre malalaman mo kung maysakit ka o hindi. 48 hours bago ilabas ang result,” dagdag pa ni Panelo. (Aileen Taliping/Prince Golez)