Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte sa Mexican drug cartel na Siniloan group na tatapusin niya ang mga ito sa kanilang illegal drug trade sa bansa.
Sinabi ito ng Pangulo sa kanyang pagdalo sa inagurasyon ng Moscati Meadows Residential Treatment Facilities sa Laur, Nueva Ecija Miyerkoles nang hapon.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati na maraming buhay ng mga Pilipino ang nasira dahil sa droga kaya hindi niya patatawarin ang mga nasa likod ng illegal drug trade.
“Pumasok na ang Mexico and they are connected with the Bamboo triad of Asia. It seems to be a blossoming of criminals globally, and we are fighting a global war against drugs. Hindi kita patatawarin just like terrorism,” anang Pangulo.
Binigyan-diin ng Pangulo na kung kaya ng mga sindikato na pumatay at manira ng buhay ay kaya niya rin ito at mas higit pa.
Sinabi pa ng Pangulo na ang iligal na droga ay nagmula sa iba’t ibang bansa, kabilang na ang Slovenia at ginagawang bagsakan ang Pilipinas.
“Drugs is being produced everywhere, imported coming in by air, by ship and land. Tapusin na natin ito sa panahon ko while I am still here, ready to assume full legal responsibility,” dagdag pa ng Pangulo.