Duterte sa mga NPA: Sumuko o mamatay kayong lahat!

pangulong-rodrigo-duterte

Dalawang kondisyon ang ibinigay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa New People’s Army (NPA) para pagpilian sa kanilang magiging kapalaran.

Sinabi ng Pangulo na sumuko o kamatayan lang ang maaaring pagpilian ng mga rebeldeng patuloy na lumalaban sa mga tropa ng pamahalaan.

Sinabi ni Pangulong Duterte na hindi siya kontento sa mga sumukong NPA at gusto nitong sumuko silang lahat para matapos na ang problema sa Kilusang Komunista.

“The barometer is if they give up or dalawa lang ‘yan. They give up or they’re all dead. Wala man akong magawa. They’re fighting government. They’re killing the soldiers and policemen. So my order is also to kill them,” ani Pangulong Duterte.

Muling inulit ng Pangulo na walang puwang sa kanya ngayon ang muling pagpapatuloy ng peace talks kaya ang tinututukan ay ang pagsuko ng mga NPA.
Kapag aniya sumuko na lahat ang mga rebelde ay wala nang dahilan pa para magkaroon ng peace talks.

Sinabi ng Pangulo na karamihan sa mga NPA ay may mga sakit at matatanda na rin ang kanilang mga lider kaya hindi na gumagana ang mga utak.

“May mga sakit na ‘yan. Lahat ‘yung mga leaders na ‘yan, ‘yung the higher echelons nila, wala na ‘yan. Puro matatanda na. Hindi na gumagana ang utak,” dagdag pa ng Pangulo.