Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na magpapadala ito ng dalawang barko sa Libya kapag sinaktan ng mga pirata ang tatlong Filipinong bihag ng mga ito.
Nakarating na sa Pangulo ang pagbihag ng mga pirata sa tatlong Pinoy.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang talumpati sa Malaybalay City, Bukidnon na huwag magkamaling saktan o kantiin ng mga pirata ang mga bihag na Pinoy dahil pasasabugin ng kanyon ang mga ito.
Nagpadala na aniya ang South Korea ng kanilang barko dahil sa mga binihag na Koreano at ganito rin ang gagawin niya sakaling malagay sa alanganin ang mga bihag na Pinoy.
“The Korean has… nagpadala ng barko doon, you know I’m not joking. Magpadala din ako if they begin to hurt the Filipinos doon, magpadala ako ng frigate. Leche kayo, namihasa kayo, ‘yung oppression. Nagpadala ang Korea, baka magpadala din ako. Frigate. Padala ako ng dalawa doon. Yawa kayo,” ang galit na pahayag ng Pangulo.
Sinabi pa ng Presidente na mayroon itong command conference sa Martes at pag-uusapan nila kung ano ang dapat gawin para sa kaligtasan ng iba pang Filipino na sumasakay sa barko.
“Itong mga…trabahante lang sa barko tapos kidnapin nila. I hate to raise the level of, I’d like to make the announcement in this upcoming Cabinet meeting tapos dito sa command conference, I want you to make a modality raising the bar higher. I cannot swallow ‘yung mga pirate diyan, pasabugin ninyo. Pati ‘yung hostage. Ayaw niyong i-release ang hostage? Sige, sama na kayo sa hostage. Kaya ‘wag kayong magpa-hostage,” dagdag pa ng Pangulo.
Ang pag-kidnap sa tatlong Pinoy engineer at isang Koreano ay nangyari noong Hulyo 6 habang nasa project site ang mga ito sa Western Libya.