Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa United Nations (UN) na patawan ng parusa ang mga bansang pumirma sa kasunduan hinggil sa climate change pero bigong tuparin ang kanilang mga ipinangako sa ilalim ng mga napagkasunduan.

“UN should better understand that it has to have a sanction for violators,” pahayag ng Pangulo nang dumalo sa inagurasyon ng dalawang major power project sa Maasim, Sarangani noong Biyernes.

Ayon kay Pangulong Duterte, hindi magtatagumpay ang kasunduan sa climate change kung walang parusa dito at lalo lamang titindi ang sitwasyon para sa mga susunod na he­nerasyon.

Sinabi ito ng Pangulo dahil napansin umano niya na walang ma­laking progreso sa pagsisikap ng buong mundo na maibsan ang epekto ng climate change.

Pagsasayang lamang aniya ng pera ang pagdalo sa mga UN climate change conference kung wala namang nangyayari kundi puro salita lamang.

“I am for (combatting) climate change. I really do. I can understand. I have a little learning of everything. Not much but I can understand. Now the problem is the Climate Change Commission is always calling for a meeting,” sabi ng Pangulo.

“And always, it’s always how much carbon footprints you’ll leave on planet Earth. And it’s all talking, it’s all conferences so that this time, I said it would be a waste of money,” ayon pa sa Pangulo.

Noong Marso 2017 niratipika­han ng Pilipinas ang kasunduan sa climate change na binuo sa Paris.

Gayunman, nagpahayag ng pagkadismaya si Pangulong Duterte dahil bigo aniya ang ibang industriyalisadong bansa na pumirma rin sa kasunduan na tuparin ang mga nilalaman nito.

Dinagdag pa ng Pangulo na inutil rin ang komisyon sa climate change kung wala naman itong ipapataw na parusa sa mga hindi sumusunod sa kasunduan.

“You and I know that if you cannot arrest climate change now, sigurado ‘yan (it’s sure): Our children will suffer more severe climate changes, typhoons and all,” ayon pa kay Pa­ngulong Duterte. (PNA)