Duterte sisibakin batugang barangay captain

Posibleng mapatalsik sa puwesto ang mga kapitan ng barangay na hindi kikilos para proteksiyonan ang kanilang nasasakupan sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ito ang babala ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa mga barangay captain matapos ideklara ang enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Sinabi ng Pangulo na walang puwang sa kanyang administrasyon ang mga opisyal ng barangay na walang malasakit at tamad magsilbi sa bayan.

Aniya pa, personal na pupuntahan niya ang mga tamad na barangay captain para palayasin sa puwesto.

“Kung ‘yong barangay captain ninyo ay tatamad-tamaran, siya ang puntahan ko. If there is a barangay captain who does not fulfill his duty in going around and tryin­g to find out how the citizen are faring,” anang Pangulo.

Kung natatakot aniyang mamatay sa CO­VID-19 ang barangay captain ay walang karapatan ang mga ito sa hinahawakan nilang puwesto.

Sinabi ng Pangulo na mag-iikot ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga barangay para maalalayan ang mga pinaka-mahihirap na mamamayan habang umiiral ang enhanced community quarantine.

“Si General Bautista will have his people go around and look for people who are hungry,” dagdag ng Pa­ngulo.

Ang tinutukoy na opisyal ng Pangulo ay si DSWD Secretary Rolando Joselito Bautista.(Aileen Taliping)