Pabor si Pangulong Rodrigo Duterte na uma­lis agad sa kanyang pwesto kahit pa man may natitira pa itong dalawa o tatlong taon basta lamang maipasa ang isinusulong nitong federal form of government.

Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) kahapon, sinabi ni Pangulong Duterte na nais niyang mapadali ang pagpasa sa federalism sa pamamagitan ng pag-amiyenda sa Saligang Batas. Aniya pa, sa oras na maisakatuparan umano ito ay dapat magkaroon agad ng referendum at presidential election.

“I can commit today to the Republic of the Philippines that if you will hurry up the federal system of government and you can submit it to the Filipino people by the fourth or fifth year, you call for a referendum, and after that call for a presidential election, then I will go. Sibat na ako,” pahayag ni Pa­ngulong Duterte. Nais pa nitong gayahin ang sistemang ipinatutupad sa bansang France.

“You must have a president. You copy the France system. ‘Wag mo hayaan ‘yung puro na parliament, delikado. There is no one apparatus from the commander-in-chief down,” dagdag pa nito.

Isang araw o makalipas ang 1 linggo matapos maamyendahan ang Konstitusyon ay agad na umano itong magpapatawag ng eleksyon.

“Sabi ko nga, if you can give me that document, I will urge you to call for an election the following day or the following week. Even if there is still two or three years left, I will go. Do not worry about it. I am not into that ambition,” dagdag pa nito.

Libreng WIFI pinalakpakan

Bukod sa pangakong ibaba ang buwis partikular na ang personal income tax at corporate taxes, umani rin ng malakas na palakpakan sa buong plenary ang anunsyo ni Pangulong Duterte na magbibigay ng libreng wifi connection sa ilang lugar sa bansa.

Sa kanyang SONA, ipinahayag ni Pangulong Duterte na inatasan na nito ang Department of Information and Communications Technology na magkaroon ng National­ Broadband Plan para agad na matugunan ang problema sa mabagal na internet sa bansa.

“Wifi access shall be provided at no charge in selected public places,” pahayag ni Pangulong Duterte.

Ang Pilipinas ay tinu­ring na ikalawa sa may pinakamabagal na internet connection sa Asya.

 Tuloy ang kampanya vs droga

 Nagpasantabi rin ang Pangulo sa mga religious bishops, leaders, priests, pastors, preachers at  imams ukol sa sepa­ration of  church at state kung saan nanindigan ito na patuloy ang magiging kampanya ng kanyang administrasyon laban sa illegal drugs at korupsyon.

Bubuo umano ito ng Inter-Agency Committee­ on Illegal Drugs  na siyang­ mangangasiwa sa kampanya ukol sa illegal na droga kasama na ang pagsasagawa ng information campaign, pagkakaroon ng drug rehabilitation programs at pagpapalakas sa ROTC Program para maibahagi ang pagmamahal sa bansa at pagiging good citizen.

Nais ni Pangulong Duterte na iprayoridad ang rehabilitasyon ng mga drug users at ang AFP umano ang siyang mangangasiwa sa paggamit ng military camps at facilities para sa drug rehabilitation.

“There can never be real, tangible and felt development without ma­king our people feel secure and it is our duty to uplift the people’s welfare. With this, my administration shall be sensitive to the State’s obligations to promote, and protect, fulfill the human rights of our citi­zens, especiall­y the poor, the marginalized and the vulnerable and social justice will be pursued, even as the rule of law shall at all times prevail,” dagdag pa nito.

Iginiit pa ni Pangulong Duterte na ia-uphold nito ang human rights gayunpaman hindi umano dapat gamitin ang human rights bilang depensa sa ginagawa namang pagsira sa bansa.

“Human rights must work to uplift human dignity. But human rights cannot be used as a shield or excuse to destroy the country,” dagdag pa nito.

Nabuhayan ng pag-asa

Matapos ang SONA, punung-puno ng pag-asa ang halos lahat ng mga mambabatas na lumabas sa session hall.

“May dahilan ang ating mga kababayan na manga­rap muli dahil mayroong pag-asa,” paglalara­wan ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate na sinegundahan naman ng kanyang mga kasamahan sa militanteng grupo.

“Sa kabuuan, kontento kami sa aming narinig sa kanya. Lahat ng kahilingan ng mga karaniwang mamamayan na aming kinakatawan dito ay nabigyan ng pansin ng Pangulo,” ayon naman kay ACT party-list Rep. Antonio Tinio.

“Naipakita ng Pangulo kung gaano kalawak ang kanyang karanasan sa local government na gagamitin niya sa pamumuno sa ating bansa. komento naman ni CIBAC party-list Rep. Sherwin Tugna.

2 Responses