Walang balak si Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang online gaming sa bansa partikular ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).
Sa kabila ito ng kahilingan ni Chinese President Xi Jinping na ipatigil ang online gambling dahil sa mga kababayan nito na nagiging biktima ng krimen sa Pilipinas gaya ng kidnapping na humahantong sa pagpatay.
Sinabi ng Pangulo na kailangan ng bansa ang POGO dahil kapag tuluyang ipinatigil ito ay marami ang magugutom at mawalan ng trabaho.
“We decide on — to benefit the interest of my countrymen. Maybe out of courtesy I will listen to you. Pero I decide. I decide that we need it. Maraming mawalaan ng hanap-buhay. Anyway, it’s government-controlled. But at this time, wala talaga akong magawa. Maraming nagugutom,” anang Pangulo.
Pero nagbigay ng babala si Pangulong Duterte sa mga POGO operator na huwag nilang dayain ang kanilang remittance at huwag lolokohin ang gobyerno dahil makakatikim ang mga ito ng hindi nila magugustuhan.
“`Pag ito namang mga y*** kayo, bantay kayo ha, kayong mga concessionaires, ‘pag nagkamali kayo, hindi kayo mag-remit, isang non-remittance lang, you better close tapos mag-usap tayo o kausapin ninyo ‘yung… Huwag ninyo mag-ooperate kayo. Ito ang gawin ko sa inyo, pupuntahan kita sa bahay mo at doon tayo mag-usap. Totoo ‘yan. Maski sinong gambling lord wala akong pakialam kung sino ka. Ang aking backup — hindi ako lord, but backup ako ni Lord,” dagdag pa ng Pangulo.
Sinabi pa ng Pangulo na kung maunlad lamang ang bansa at maraming trabaho ay hindi na kailangan pang payagan ang ano mang uri ng sugal para pagkakitaan.
“Wala kasi masyadong trabaho. Kung sana progressed — progressed na tayo as a country, progressed maraming trabaho then you do not have this stupid thing, activity of allowing gambling,” wika pa ng Pangulo. (Aileen Taliping)