Lubos ang suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo sa mga plano at aksiyon nito laban sa droga matapos italaga bilang drug czar ng bansa.
Ayon kay Senador Bong Go, ikinatuwa rin ng Pangulo noong tanggapin ni VP Leni ang alok sa kanya bilang co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drug (ICAD).
“Buo ang suporta ng Duterte administration. We want her to succeed, basta para sa kabutihan ng mamamayan ay full support namin siya,” anang senador.
Sinabi pa ng bagitong senador, kung kaya ng bise presidente na mapataas pa ang satisfaction rating ng administrasyon sa war on drugs ay mas maganda.
Aniya, ang 82 percent satisfaction rating ng publiko sa Duterte administration sa giyera kontra droga ay patunay lang na nasisiyahan at kontento ang sambayanan sa ginagawa ni Pangulong Duterte para masugpo ang problema sa droga sa ating bansa.