Duterte: Trillanes paano ka nakapagpaaral ng anak sa abroad?

Muling nakatikim ng matitinding banat kay Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Antonio Trillanes IV na ­kilalang numero unong kritiko nito.

Sa kanyang talumpati sa kick-off rally ng Partido Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-Laban) sa Biñan City, Laguna, sinabi ng Pangulo na mas­yadong mayabang kung makaasta ang senador.

Ipinaalala ng Pangulo na kaya nakatapos si Trillanes ay dahil pinaaral siya ng mga Pilipino kaya huwag aniya ito masyadong mayabang.

Muling binanggit ng Pangulo na hindi naghirap si Trillanes sa pagiging kadete ng Philippine Military Academy (PMA) dahil ang tatay nito ay nagtatrabaho sa opisina ng PMA habang nangongontrata naman aniya ang nanay sa mga proyekto ng Philippine Navy.

Kasabay nito, kinuwestiyon ni Pangulong Duterte ang kakayahan ni Trillanes na magpaaral ng mga anak sa ibang bansa dahil isa lamang aniya itong sundalo pero kayang magpaaral sa abroad.

“Isang sundalo ka lang, mga anak mo kung saan-saan nag-aaral!” wika pa ng Pangulo.