Duterte umaming may military base ang China sa Spratlys

rodrigo-duterte

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na ang nagkumpirma na mayroon nang base ng militar ang China sa mga itinayong istruktura sa pinag-aagawang mga teritoryo sa Spratly Islands o West Philippine Sea (WPS).
 
Sa kanyang talum­pati kagabi sa 10th Biennial National Convention at 20th Founding Anniversary Celebration ng Chinese Filipino Business Club, Inc. (CFBCI) sa Manila Hotel, sinabi ng Pangulo sa harap ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua na nananatili ang claim ng Pilipinas sa mga pinag-aagawang teritoryo at ang magagawa lamang sa ngayon ay ang maging diplomatiko dahil hindi niya isusuong ang pu­wersa ng gobyerno para makipag-giyera sa mga tsino.
 
Palaisipan sa Pa­ngulo kung ano ang ginawa ng mga dating opisyal noong panahong itinatayo ng mga Chinese ang kanilang mga istruktura sa West Philippine Sea dahil kahit isa ay wala man lang ginawang hakbang ang mga ito para tutulan ang mga itinayong military bases.
 
“China had put a stake there. That is also a property of China, so may diperensiya na ngayon. How do we dissolve it? The critics say that I am not doing enough, lalo na itong… what were they doing­ during their time? Why did they not start to start build structures that China is doing now. So even in the claim itself and in the development of the claim, wala tayong ginawa,” dagdag pa ng Pangulo.
 
Sa kanyang pakikipag-usap aniya kay Chinese President Xi Jinping ay binuksan nito ang isyu ng WPS at naintindihan ang problema subalit hindi aniya ito ang tamang panahon para pag-usapan ang gusot at sa halip ay inalok siya ng Chinese President para sa isang joint exploration.
 
Nagawa namang magbiro ng Pangulo na baka balang araw ay maging probinsiya na ng China ang Pilipinas.