Nakatutok si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga bagong development sa coronavirus disease 2019.

Sa harap ito ng patuloy na mararanasang krisis ng Pilipinas at marami pang mga bansa sa mundo sa bagsik ng COVID-19.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na up-to-date ang impormasyon ng Presidente sa nabanggit na pandemic at nakatutok sa international news agencies at nag-aabang kung mayroon ng nadiskubreng vaccine laban sa COVID-19.

“Alam nyo ang Presidente magugulat kayo. Up-to-date sa lahat ng impormasyon sa labas ng bansa tungkol sa COVID. Alam niya kung saan iyong mayroong nagsisimula ng clinical trials para sa gamot sa COVID,” ani Roque.

Aasahan aniya na pinag-aaralang mabuti ng Presidente ang magiging desisyon niya pagdating ng April 30 kung tatapusin o pananatilihin ang umiiral na enhanced community quarantine.

Lahat aniya ng mungkahi at rekomandasyon ng mga eksperto at pinag-aaralan ng Pangulo para makabuo ito ng tamang desisyon sa mga susunod na araw.

“Asahan natin na nag-aaral ng mabuti ang ating Presidente, binibigyan po siya ng best advice, kasama dito ang mga development sa labas ng bansa, at gagawin po niya ang tamang desisyon,” dagdag ni Roque. (Aileen Taliping)