Duterte walang ‘K’ makialam sa Senate leadership — Sotto

Minaliit ni Senator Tito Sotto ang partidong PDP-Laban ni incoming President Rodrigo Duterte dahil wala itong naipanalong kandidato sa pagka-senador.

“‘Pag nakinig ka sa sinabi ng tao…7 sa 12 nasa line-up ni Mar Roxas. No one from the line-up of PDP-Laban, siguro alam niya ‘yon,” ani Sotto.

Paliwanag pa ni Sotto, wala namang nanalong senador mula sa PDP-Laban kaya hindi na nakikialam sa isyu ng Senate Presidency si Duterte.

Una nang sinabi ni Sotto na walong senador na kaalyado nito sa Nationalist People’s Coalition (NPC) ang hindi pabor sa pagbibigay limitasyon sa paghawak sa mga Senate committee na gusto ni Sen. Alan Peter Cayetano sakaling ito ang maupong Senate President dahilan upang umanib sila kay Sen. Koko Pimentel na nangako naman na mananatili sila sa majority at makukuha ang mga juicy posts.

Ani Sotto, partikular na tinututulan ni Caye­tano na runningmate ni Duterte noong eleksyon na maupo sa makapangyarihang komite sa Senado ang mga kritiko ni Duterte ngunit ito naman ang isinusulong nila.

Kinumpirma rin umano ng senador na ang public order committee chairmanship para kina Sen. Panfilo Lacson at Justice committee chairmanship kay Sen. Leila de Lima ay akma lamang sa kanila dahil sa kanilang expertise.

Hindi rin umano isyu sa pagbibigay ng posis­yon sa dalawa kung kaalyado o hindi ng susunod na administrasyon ang dalawa. (Aries Cano/Boyet Jadulco)