Duterte walang utos na magbitiw si Albayalde – Panelo

Walang bagong utos o pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na magbitiw na si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde dahil sa kontrobersiya ng mga “ninja cop”.

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa harap ng panibagong rebelasyon ni retired Police General Rudy Lacadin sa Senado na lalong nagdiin kay Albayalde sa umano’y sindikato ng mga “ninja cop”.

Ayon kay Panelo, nagkausap sila noong Miyerkoles ng Pangulo sa telepono habang siya ay nasa Bacolod at wala namang nabanggit patungkol kay Albayalde.

Malinaw aniya ang naging pahayag ni Pangulong Duterte bago umalis at bumalik mula sa biyahe sa Russia na hihintayin niya ang magiging rekomendasyon ng Department of Interior and Local Government mula sa resulta ng imbestigasyon ng Senado.

Nais din ng Presidente na makakita ng ebidensiya kaugnay sa mga akusasyon kay Albayalde bago husgahan ang opisyal.

“Wala, wala akong narinig. The President says, ‘I will wait for the findings and recommendation of DILG’. Wala namang sinasabi si Presidente,” ani Panelo.

Umugong nitong Huwebes ang balita na nagbitiw na sa puwesto si Albayalde subalit agad na itinanggi ito ng tagapagsalita ng PNP. (aileen taliping)