Dahil umano sa inggit ay nagpang-abot ang dalawang matandang lalaki na kapwa matadero sa loob mismo ng Paco Market sa Paco, Maynila kahapon.
Hindi na umabot nang buhay sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si Raul Bausa, 52-anyos, nagtatrabaho sa Nancy Meat Stall, habang kusang loob naman sumuko ang suspek na si Roberto Salonga, 71-anyos, butcher at kasamahan ng biktima.
Sa imbestigasyon ni PO3 Jorlan Taluban, ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-11:10 ng umaga sa loob ng stall ng kanilang pinagta-trabahuan sa palengke.
Bago umano ang insidente ay nakipag-inuman muna ang biktima at nang malasing ay hinanap ang suspek at kinompronta.
Nang magkausap ay nagkaroon nang mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang sa kapwa bumunot ng kutsilyo na gamit nila sa pagkatay ng baboy.
Dahil mas bihasa umano sa patalim si Salonga ay nagawa nitong maunahan ng saksak ang biktima at ang pinakagrabe ay iyong saksak na malalim sa dibdib.
Sinasabing nag-ugat ang galit ng biktima sa suspek dahil sa inggit sa kanilang trabaho kung saan mas paborito ng amo ang suspek.