Sa aking kolum na inilabas noong Agosto, aking binanggit na si three-time Defensive Player of the Year (DPOY) Dwight Howard ang piliin ng Los Angeles Lakers.
Noong buwan na iyon na-injury si Lakers big man DeMarcus Cousins kaya kinailangan nila ng backup center.
Ang pinagpilian ng ikalawang team na may pinakamaraming championship sa NBA ay sina Marreese Speights at Joakim Noah.
Good choice ang pagpili nila kay Howard dahil sa nakamamangha na ipinapakita nitong depensa ngayon.
Makikita sa kanyang laro ang pagiging beterano. Kung ikukumpara kay JaVale McGee, mas solid ang depensa ni Howard.
Alam ni Howard ang gagawin kapag pick and roll ang play ng kalaban at tila hindi basta mang-block lang ang ginagawa nito.
Napipigilan nito ang mga pick and roll play ng kalaban. Kahit ang average points per game nito ay 6.7 lamang, sa depensa naman ito bumabawi.
Ang kanyang steals per game ay 0.7 at sa blocks ay 2.1 per game naman.
Nakabibilib naman ang BPM nito o Box Plus/Minus. Si Howard ay may 10.1 BPM.
Kahit hindi mataas ang puntos bawat laro, naiaambag ni Howard ang dapat niyang maambag, at kung saan din siya nakilala, sa kanyang depensa.
Kahit mahaba pa ang lalakbayin ng season, akin lang naisip na kung si Joakim o Marreese kaya ang kanilang pinili, parehong resulta kaya sa depensa ang kanilang maibibigay?
***
Kung kayo po ay mayroong reaksiyon o balak itanong, mag-email lamang sa alecpaolo2016@gmail.com.
Patuloy niyo rin pong suportahan ang online show ng Abante, ang Sportalakan, tuwing Martes alas-sais nang gabi at abangan din ang Abante Palakasan kung saan tampok ang iba’t ibang sports sa Abante News Online FB page at tnt.abante.com.ph.
Maraming salamat po!