Dyowa ng dinukot na Chinese sa Makati pinalaya

Pinalaya na ng Makati City Police ang live-in partner ng babaeng Chinese national na dinukot ng tatlong kalalakihan na pawang dayuhan din kamakailan sa lungsod.

Ayon kay Police Maj. Gideon Ines, hepe ng Station Investigation and Detective Management Branch ng Makati City Police, kahapon ng umaga nang lumutang sa kanilang tanggapan ang Chinese na si Chen Tangbin, live-in partner ng dinukot na biktima na si Zhou Mei.

Nauna nang inihayag ng pulisya na isa si Tangbin sa ‘person of interest’ sa pagdukot kay Mei matapos itong magbigay ng paiba-ibang pahayag.

Kasama sa person of interest ng pulisya si Zhou Jianwei nang makita ang kanyang pangalang at litrato sa deed of sale ng isang sasakyan na nalaglag buhat sa Kia Carnival ban na ginamit sa pagdukot sa biktima.

Sinabi ni Ines na marami namang naibigay na impormasyon si Tangbin.
Ngunit aniya’y nanatili pa ring person of interest si Chen sa pagdukot sa kanyang kinakasama noong Lunes ng gabi sa Paseo de Roxas sa naturang lungsod.

“Kahit po pinauwi namin si Tangbin ay tuloy-tuloy pa rin po ang imbestigasyon namin sa kanya at sinabihan namin siya na huwag siyang lumayo at umalis ng bansa” ani ni Ines.

Samantala, napag-alaman rin ng pulisya na isang ‘mabuting’ empleyado ng pinapasukang POGO si Zhou at wala ring kinasasangkutang gusot sa pera.

Isinasantabi na ng pulisya ang anggulo na may kaugnayan sa kanyang trabaho ang pagdukot. (Armida Rico)