E-jeepney nasaan na?

For the Record by Dang Garcia
Patuloy ang pi­naigting na kampan­ya ng Department of Transportation (DOTr) laban sa mga kakarag-karag at mga ‘smoke belchers’ na mga pampasaherong jeep sa Metro Manila bilang inisyal na aksyon sa ‘phase-out’ nito.
Bagama’t maganda ang layunin na walisin ang mga bulok, mausok at mga walang dokumentong jeep na matagal nang tinaguriang “Hari ng Kalsada”, kapansin-pansin naman na labis rin na pahirap ang idinulot nito sa mga pasahero.  Bakit?  Kasi, walang masak­yan ang tao.
Kapag may operasyon, malinis ang kalsada. Halos walang pumapasada.  Mapapatanong tuloy ang mga taong may kritikal na utak na: “Halos lahat ba ng jeep may mga bayolasyon at walang dokumento?” Kung tutuusin, kasalanan talaga ito ng mga jeepney drivers at operators na nagpabaya sa kanilang mga unit na pinanggalingan nila ng ikabubuhay.
Sa kabilang banda, paano ang mga pasahero? Lagi na lang istranded sa kalsada?  Laging makikipagsiksikan sa mga libreng-sakay na pagkakataas na mga ‘military truck’?
Nitong pagpasok ng Enero, nangako ang DOTr na nasa 500 E-jeepney na ang papa­sada sa iba’t ibang ruta sa Metro Manila bago magtapos ang buwan.  Pebrero na ngunit bukod sa ilang ruta sa Makati at Quezon City, hindi pa rin nasisilayan ng publiko ang mas marami sa mga ito na pumapasada sa iba’t ibang ruta. Anyare DOTR?
Tila may pagmama­yabang pang sinabi noon ni Transportation Undersecretary Tho­mas Orbos bukod sa ‘electric’ ay may ‘solar jeep’ rin ang ipapalit at may libreng ‘Wi-Fi connection’ pa. Ansarap sana, pero asan na?
Resulta ng kakulangan ngayon ng mga pampasaherong jeep ang dagdag na pahirap sa mga pasahero na hindi na makaagapay sa bulok na uri ng pampublikong transportasyon ng gobyerno.  Halimbawa nito ang sakiting Metro Rail Transit 3.
Nagmadali ang pamahalaan na walisin sa mga kalsada ang mga bulong na jeep. Kasabay nito, kailan mamadaliin ng gobyerno ang pagpapalabas ng mga E-jeep sa kalsada upang ­maserbisyuhan ang mga pasahero na naaatraso sa kanilang pagpasok sa trabaho at paaralan.