Tiniyak ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na kanilang ibibigay kay Pangulong Rodrigo Duterte ang hiningi nitong emergency power para resolbahin ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
Ayon kay House Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez, walang duda na lulusot ang panukalang bigyan ng emergency power si Duterte dahil bukod sa kanya ay tiyak na susuporta ang 251 congressmen na bumoto sa kanya sa Speakership.
“That’s an assurance,” ani Alvarez dahil isa ang emergency power na hiningi ni Duterte sa dalawang Kapulungan ng Kongreso sa kanyang kauna-unahang SONA kahapon sa Batasan Pambansa.
Sa kanyang talumpati matapos mahalal bilang Speaker, sinabi ni Alvarez na isa ang emergency power kay Duterte sa top priority ng kanyang administrasyon sa Kongreso dahil malala na ang problema sa trapiko sa Metro Manila kasama na ang Metro Cebu.
“As all commuters know, and that includes all of us here, the traffic in Metro Manila and Metro Cebu is simply terrible. We waste so many hours sitting in cars or buses or riding in jampacked and rickety MRT and PNR trains, instead of spending time at work or being with our families at home,” ani Alvarez.
Dahil sa problema aniyang ito, nawawalan ang taumbayan at gobyerno ng P2.4 billion kada araw kaya kailangang maresolba, aniya, ito sa lalong madaling panahon.
“The situation is, in most certain terms, a true crisis which needs emergency powers to enable the President to act,” ani Alvarez kaya agad umanong aaksyunan ang mga panukalang batas na nagbibigay ng emergency power kay Duterte tulad ng inihain ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Kabilang sa mga kapangyarihan na ibibigay kay Duterte ay hindi na idadaan sa public bidding ang mga proyektong gagawin para maresolba ang problema sa trapiko sa Metro Manila.
“In this vein, we should revisit and revise the Government Procurement Act. Since its passage into law, many government agencies as well as those in the private sector have felt discomfited with R.A. 9184, as amended,” ayon pa kay Alvarez.