Inamin ng isang lider ng Kamara na posibleng madiskaril ang hinihinging emergency power ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte dahil wala pa umanong ginagawa ang Department of Transportation (DOTr) para resolbahin ang problema ng trapiko, lalo na sa Metro Manila subalit humihingi na ang mga ito ng dagdag na kapangyarihan.

Sa kondisyong huwag siyang pangalanan kapalit ng impormasyong ito upang hindi mapag-initan sa Kamara, sinabi ng mambabatas na “malamig” ang mga ito sa emergency power.

“Paano naman kasi, humingi na agad ng emergency power ang Department of Transportation na wala pa naman ginagawa para ayusin ang problema ng trapiko. Dapat kasi, magtrabaho muna kayo at kung wala talagang nangyayaring­ pagbabago, saka kayo humi­ngi ng emergency power,” ayon sa impormante.

Sinabi ng impormante na inoobserbahan umano ng mga ito ang DOTr na pinamumunuan ni Sec. Arthur Tugade kung may ginagawa ang kanyang ahensya para resolbahin ang problema sa trapiko partikular na sa Metro Manila.

“Ang nangyayari kasi, umaasa lang sila sa emergency power. Paano kung hindi maibigay, wala na kayong gagawin?” tanong pa ng mambabatas na saloobin umano ng karamihan sa mga mambabatas.