E-power kontra droga tablado sa Kongreso

Hindi pabor ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na bigyan ng emergency power si Pa­ngulong Rodrigo Duterte upang lalong mapalakas ang kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga.

Sa magkakahiwalay na panayam, walang kongresistang pumabor sa nasabing ideya na inilutang ni Sen. Richard Gordon dahil kasama sa mungkahi ay magpatupad ng warrantless arrest at masuspinde na ang writ of habeas corpus.

“There is no basis under the Constitution to suspend the writ of habeas corpus there being neither rebellion or invasion which public safety may require.

It is difficult if not impossible to determine wether warrantless arrest is based on drugs or common crime. It is open to arbitrariness, whims and abuse when left to law enforcing officers,” ani House deputy speaker Fred Castro.

Sinabi naman ni AKO Bicol party-list Rep. Rodel Batocabe na bagama’t kailangan ni Duterte ang suporta laban sa iligal na droga ay hindi naman umano humihingi ng emergency power ang Pangulo kaya walang dahilan para iboluntaryo ito.

Ayon naman kay Muntinlupa Rep. Ruffy Bia­zon, lalong titindi ang takot ng taumbayan na tutungo na ang bansa sa Martial Law kapag binigyan ng e-power si Duterte laban droga.