Hiniling ng isang senador sa liderato ng Kamara na isantabi na ang “personal squabble” sa likod ng panukalang emergency powers sa pagresolba ng trapik sa Metro Manila at iba pang matatrapik na lugar sa bansa upang sa gayon ay mapakinabangan na ng taumbayan ang panukalang ito.

Isiniwalat kahapon ni Sen. JV Ejercito na dahil sa banggaan ng VIP persons, hindi na umusad sa Kamara­ ang House Bill No. 4334 na siyang magreresolba sa problema ng trapik sa Metro Manila.

Hindi direktang binanggit ni Ejercito ang mga personalidad na nagbabanggaan pero matatandaan na mainit ang dugo ni House Speaker Pantaleon Alvarez kay DOTr Secretary Arthur Tugade.

Sa nasabing panukala, ang kalihim ng DOTr ang itata­lagang “Traffic Chief” kung saan magkakaroon ito ng “special powers” at management ng traffic and transportation.

Nakabinbin pa rin sa plenaryo ang panukalang emergency power matapos na hindi ito napabilang sa priority measures ng Senado sa pagtatapos ng first regular session noong Mayo.