E-power ni Duterte isusulong ni Tolentino

Bubuhayin ni Senator-elect Francis Tolentino ang panukalang bigyan ng emergency power si Pangulong Rodrigo Duterte para malutas ang matinding problema sa Metro Manila, partikular sa kahabaan ng EDSA.

“Nabanggit ko iyon noong campaign na kung kinakailangang ire-file iyong emergency power, gagawin po natin `yan,” pahayag ni Tolentino.

Bukod sa emergency power na nais ibigay ni Tolentino sa Pangulo, nais din nitong palakasin pa ang kapangyarihan ng Metropolitan Development Authority (MMDA).

“Pagbabago ng mandato na rin noong MMDA, kung papaano mas magiging epektibo sila para tumulong maibsan ang traffic sa Metro Manila,” ayon kay Tolentino na dating MMDA chairman.

Matatandaang ilang mambabatas na rin ang naghain ng panukala para bigyan ng emergency power si Pangulong Duterte para masolusyonan ang problema sa trapik sa Metro Manila.

Sa kanyang u­nang State of the Nation A­ddress (SONA) noong 2016 ay binanggit ng Pangulo na kailangang matugunan ng Kongreso ang problema sa trapik kung mabibigyan siya ng kapangyarihan hinggil dito.

Gayunman, nagbago ang isip ng Pangulo at sinabing hindi na siya interesadong magkaroon ng emergency power matapos kontrahin ito ng ilang mam-babatas na nagsabing baka magamit sa katiwalian ang naturang kapangyarihan.

“Let’s just leave EDSA as it is. If you don’t trust me, then don’t. Congress won’t give me emergency power for traffic. Ayaw ko na rin,” matatandaang sinabi noon ni Pangulong Duterte.