Eaglets nakapuwersa ng playoff

Nakahirit ng playoff sa second spot ang Ateneo matapos itali ang 75-70 panalo kontra Far Eas­tern University-Diliman kahapon sa UAAP Season 79 juniors basketball tournament sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.

Bumira si Joaquin Manuel ng 18 points kasama ang krusyal na tres sa final 1:51 ng laro para itakas ang panalo ng Blue Eaglets.

Magtatagpo muli ang Blue Eaglets at Baby Ta­maraws sa Huwebes para pag-agawan ang No. 2 spot.

Tinapos ng Ateneo at FEU-Diliman ang elimi­nation round sa identical 11-3 win-loss records.

Nalibre sa No. 1 ang defending champion National University dahil sa panalo ng Ateneo.

Bukod sa No. 2, nakataya din ang twice-to-beat advantage sa pagla­labanan. Bibitbitin ng mananalo ang insentibo sa semifinals.

Naglista sina Jason Credo at SJ Belangel ng tig-13 points para sa Blue Eaglets, dinomina ni rookie Kai Sotto ang paint sa hinablot na game-high 14 rebounds.

Namuno sa opensa ng Baby Tams si Rhon Abarrientos na may 14 points.

Nakapuwersa rin ng playoff ang University of Santo Tomas at De La Salle-Zobel matapos sibakin ang kani-kanilang nakatunggali.

Nilapa ng Tiger Cubs ang University of the East, 94-81, habang pinana ng Junior Archers ang UP Integrated School, 82-69.

Magkabuhol sa 6-8 ang UST at DLSZ, pag-aagawan ang fourth seeding. Laglag na ang Junior Maroons (5-9).