EARIST president niratrat sa SUV

Nalagay sa panganib ang buhay ng Presidente ng Eulogio Amang Rodriguez lnstitute of Science and Techno­logy (EARIST) at isa pang kasamahan nito matapos silang tambangan kamakailan ng isang nakamotorsiklo sa Paco, Manila.

Nabatid na naganap ang insidente noong Mayo 2 at sinasabing nabigo ang Manila Police District-Police Station 10 na magsumite ng spot report kaya kahapon lamang isinumite ang insidente ng pananambang sa mga biktimang sina Editha Pillo, 60-anyos, pangulo ng EARIST, at Catalino Buenvenida, 52, chief Motorpol Services sa EARIST, ng Quezon City.

Masusi namang pinaiimbestiga ni Manila Police District Director P/Brig. General Vicente Danao Jr., ang naganap na pananambang.

Samantala’y nakatakas naman ang hindi nakilalang suspek na nakaitim na helmet, itim na jacket at maong pants sakay ng isang puti at itim na motorsiklo na ‘di naplakahan.

Nasa mabuting kondisyon na ang mga biktima kung saan si Pillo ay tinamaan ng bala sa likod habang si Buenvenida naman ay sa braso.

Sa naantalang report ng MPD-PS 10, alas-6:56 nang umaga nang maganap ang insidente sa Pedro Gil St., kanto ng Antonio Isip St. sa Paco.

Ayon sa testigong si Marlon Valdehueza, 48, security guard ng Hybrid Watchman Security Agency, kasasakay lamang ni Pillo, kasama si Buenvenida sa kanyang Toyota Fortuner na nakaparada sa naturang lugar upang magtungo na sa EARIST nang bigla na lang pumarada sa tabi ng driver’s seat ang suspek at kaagad na pinagbabaril ang mga biktima.

Nang inakalang napuruhan ang target ay humarurot na kung saan mabilis namang naisugod ang mga biktima sa pagamutan. (Juliet de Loza-Cudia)