Sisimulan ni reigning­ MVP Necole Ebuen at Arellano Lady Chiefs ang kampanya sa four-peat title sa siklab nang matinding paluan sa NCAA Season 95 women’s volleyball eliminations ngayon, Biyernes sa FilOil Flying­ V Centre, San Juan City, at may live online sa streaming service ng ABS-CBN na iWant. Tinakda ang opening ceremony sa alas-11:00 nang umaga, kasunod ang hampasan ng Lady Chiefs at Lyceum Lady Pirates sa alas-12:00 nang tanghali, at nang banggaang Season 94 runner-up Perpetual Help Lady Altas at St. Benilde Lady Blazers.

Makakatuwang ni Ebuen si Finals MVP Regine Anne Rocha sa AU na mga nagpahayag na ng kahandaan sa kanilang misyon ngayong taon, habang sina Monica Sevilla at Mary Joy Onofre naman ang mga bibida para sa LPU.
Papabido para sa Lady Altas sina Jhona Rosal at Shyra Umandal, samantalang sina Jewel Lai at Dianne Ventura ang mga papalo para sa Lady Blazers.­

Ilan pa sa magpapaliyab sa volleyball court sina Marie Charlemagne Simborio ng Colegio De San Juan De Letran Lady Knights, Cathrine Almazan ng Emilio Aguinaldo College Lady Generals, Dolly Verzosa ng Jose Rizal University Lady Bombers, Lorraine Barias­ ng Mapua University Lady Cardinals, Nieza Viray ng San Beda University Lady Red Spikers, at Jewelle Bermillo ng San Sebastian College – Recoletos Lady Stags.

Mapapanood sa iWant ang buong torneo ng NCAA 95 women’s volleyball sa layunin ng ABS-CBN Sports na maging inspirasyon sa mga Pilipino ang galing at kuwento ng mga atleta. At lalo pang palakasin ang volleyball sa bansa.

Bukod sa iWant, maaari ring manood ng mga laban sa ABS-CBN Sports website sports.abs-cbn.com.