“It’s a happy day.”
Ganito ang ipinost sa social media ni Zambales Congresswoman Cheryl Montalla-Deloso kasunod ng pagkakalusot sa House Committee on Tourism ng tatlong panukala nitong inihain na nagsusulong na ideklarang “eco-tourism zones” ang tatlong tourism destination sa kanyang nasasakupang Zambales.
Si Ormoc Rep. Lucy Torres ang chairman ng komite na nanguna sa pagpapasa sa inihaing tatlong panukala ni Cong. Montalla.
Kabilang sa kanyang ipinadedeklarang gawing “eco-tourism zones” ay ang Mt. Tapulao na matatagpuan sa bayan ng Palauig, Mt. Pinatubo sa Botolan at Sagrada Familia caves sa Sta. Cruz, pawang sa lalawigan ng Zambales.
Dahil pasado na sa committee level ay napakalaki na ng tsansang maisabatas ito.
Kumbaga ilang kembot na lang lalo na’t supportive naman ang mga mambabatas sa panukalang ito.
Ang tatlong panukalang inaprubahang sa committee level ng tourism na pawang iniakda ni Cong. Montalla nitong 17th Congress ay ang House Bill No. 2014 o ang “An Act Declaring Mt. Tapulao In Zambales As An Ecotourism Zone And Forest Reserve”, House Bill No. 2015 o “An Act Declaring Mt. Pinatubo In Zambales As An Ecotourism Zone at House Bill No. 2010 o “An Act Declaring The Sagrada Familia Caves In Zambales As An Ecotourism Zone”.
Hangad natin ang tuluy-tuloy nang pagpasa hanggang sa Senado ng mga panukalang ito na sa aking palagay naman ay magkakaroon ng katuparan dahil sa nauna nang suportang ibinigay dito ni Senador Chiz Escudero na siyang dating may hawak ng komite sa tourism sa Senado.
Nagbago man ang pinuno ng komite, wala akong nakikitang dahilan para hindi ito isabatas lalo na’t napakahalaga ng ganitong panukala para masiguro ang long-term preservation at conservation ng ating mga natural resources at kasabay nito ay lalo pang mapapalago ang turismo sa nasabing mga tourist sites.
Kaya ngayon pa lang ay sumasaludo tayo kay Cong. Montalla na hindi bumitiw sa pagtutok sa kanyang panukala dahil alam niya ang malaking kapakinabangang hatid nito sa lalawigan gayundin sa mga mamamayan ng mga bayan ng Zambales kung saan naroroon ang mga lugar na ipinadedeklarang eco-tourism zone.
Ang ganitong klaseng panukala ang kailangang sinusuportahan dahil kapakinabangan ng nakararami ang nakasalalay sa sandaling maging tuluyan nang batas.