ECQ mas hihigpitan: Wala nang babala, aresto agad

Simula ngayong araw ay mas mahigpit na ang gagawing pagpapatupad ng Philippine National Police (PNP) ng enhanced community quarantine (ECQ) lalo na sa Metro Manila, Region 3 o CentraL Luzon, at Calabarzon.

Sa isinagawang virtual presser ni PNP Director General Archie Gamboa nitong Martes ng hapon, sinabi nito na wala nang magiging babala sa mga lumalabag o pasaway sa ECQ.

Aarestuhin ang mga lalabag at isasailalim sa inquet procedure para sa mga kasong may kinalaman sa Republic Act No. 11469 o Bayanihan to Heal As One Act, RA 11332 o Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act, at Article 151 ng Revised Penal Code.

Sa ngayon, mayroon nang 136,570 violator ang naitala ng PNP sa nakalipas na 35 araw ng pagpapatupad ng ECQ. Nasa 732 naman ang inaresto dahil sa hoarding, profiteering at manipulation ng presyo ng mga batayang bilihin.

Mayroon na ring 9,419 driver ng mga public utility vehicle na tiniketan ng PNP Highway Patrol Group dahil sa hindi awtorisadong pagbiyahe.

Nagpakalat naman ng 12 team ng Special Action Force (SAF) sa mga istratehikong lokasyon bilang pagpapaigting sa implementasyon ng ECQ.

Panawagan pa ni Gamboa sa publiko na makipagtulungan sa gobyerno at matuto sa karanasan ng ibang bansa na noong nag-relax ang quarantine ay nagkaroonng pagbabalik sa kaso ng COVID-19.

Inatasan din ni Gamboa lahat ng PNP regional director at chief of police na hikayatin ang mga local government unit na magpatupad ng ordinansa na makatutulong para makontrol ang pagkalat ng COVID-19 kagaya ng pagsusuot ng face mask, iligal na paglabas ng bahay, at social distancing.(Edwin Balasa)