Pabor si Senador Christopher Lawrence `Bong’ Go para sa extension ng enhanced community quarantine (ECQ) subalit para lang doon sa lugar na mas mataas ang kaso ng COVID-19.
“Lalong tatagal, lalong ma-extend muli, lalong makukulong kayo (sa bahay) kapag tataas ang numero ng positibong cases. Kaya nakikiusap ako, sumunod po kayo. Para rin ito sa kapakanan ng lahat ng kapwa nating Pilipino,” sabi nito.
Sa panayam sa radyo, sinabi ng senador na pinag-aaralan pa ni President Rodrigo Duterte ang posibleng pagpapalawig ng ECQ at komunsulta na siya sa ilang mga health experts at mga dating health secretaries sa kung paanong paraan makokontrol ang pandemyang ito.
“Sa ngayon po ay pinag-iisipan pa ng Pangulo ang lahat. Binigyan po n’ya ng pagkakataon ang lahat — walang pulitika,” sabi ni Go.
“Kahit po ang mga dating health secretary ng iba’t ibang administrasyon — para makapagdesisyon siya ng maayos kung dapat bang i-extend ang enhanced community quarantine o ECQ, o dapat na po ba itong i-lift — sa NCR [National Capital Region] ba o sa labas ng NCR,” dagdag nito.
“Kung dapat na itong luwagan ng kaunti, hindi ibig sabihin total na luluwagan na ito kung sakaling modified quarantine lang ito at marami pong guidelines at protocol na dapat sundin ang bawat siyudad,” ayon pa sa senador.
Sa kanyang posisyon, sinabi ni Go na pabor sana palawigin ang quarantine measures sa Metro Manila ng panibagong 15 araw dahil dito aniya ang mas malaking bilang ng kaso ng COVID-19.
“Tumataas ang cases natin dito — napapansin ninyo halos lahat ng high density, ‘yung dikit dikit ang bahay,” sabi ni Go.
Wala namang nakikitang masama ang senador sa pagpapakalat ng mga military sa oras na palawigin pang muli ang ECQ.
“Sang-ayon ako d’yan. Giyera na po ito — giyera na hindi natin nakikita ang ating kalaban. Napakahirap ng sitwasyong ito. Kaya kailangan natin ng militar,” ani Go.
“‘Di po ito kaya ng medical workers lang. Kailangan po ng pulis at militar para sa disiplina kasi kapag lumabas tayo, walang katapusang hawaan ito,” sambit pa nito. (Dindo Matining)