Aminado si two-time champion Santy Barnachea ng Team Franzia na may edad na siya kaya hindi magiging madaling sikwatin ang pangatlong titulo sa LBC Ronda Pilipinas 2018 na piniprisinta ng LBC.

Pero desidido ang 41-anyos na siklista na makipagsabayan sa mga batang siklista at kahit alam niyang malakas si defending champion Jan Paul Morales sisikapin pa rin niyang magkampeon.

“Pabata ng pabata ang nakakalaban natin pero hindi pa ako tapos may kaya pa akong ilabas,” kumpiyansang wika ni Barnachea.

Nagkampeon si Barnachea sa inaugural race noong 2011 at 2015, bukod kay Morales, inaasahang magiging balakid sa kanyang asam na korona sina 2012 king Irish Valenzuela ng CCN Superteam at George Oconer ng Go For Gold.

Ngayong araw ang simula ng Vigan criterium Stage 1 na may distansyang 40-kilometer habang bukas ilalarga ang Stage 2 Vigan-Pagudpud na may layong 155.4km.

Nakataya ang P1 mil­yon sa nasabing karera na mga suportado ng MVP Sports Foundation, CCN, Petron, Versa.ph, 3Q Sports Event Management, Inc., Boy Kanin, Franzia, Standard Insurance, Bike Xtreme, SH+, Guerciotti, Prolite, Green Planet, Maynilad, NLEX Cycling, Lightwater, LBC Foundation at PhilCycling.