Ayon sa beterano at durable actor na si Eddie Garcia, wala siyang ilusyon na maging National Artist.

Ni sa isip nga raw ay hindi niyang inambisyong makuha ang pinakamataas na karangalan bilang alagad ng sining sa bansa.

Mas importante raw sa kanya ang kanyang trabaho na sa edad na 90 ay wala pang planong magretiro.

“Kuntento na ako na may trabaho pa ako at may mga award-giving bodies na nagre-recognize ng mga pelikula ko,” aniya.

Hiningan ko rin siya ng pahayag tungkol sa pagkakaligwak ni Ate Guy bilang National Artist sa pangalawang pagkakataon.

“Depende naman iyon sa selection committee,” matipid niyang pahayag. “Si Nora, she will have her time,” dugtong niya.

Gayunpaman, sang-ayon naman siya na ‘hinog’ na ang Superstar para sa National Artist award.

Sa kanyang karera, nagwagi na siya ng humigit kumulang na apatnapung (40) acting awards (best actor at best supporting actor) pero kahit kelan daw ay hindi pa nagkaroon ng intriga sa kanyang pagkapanalo. Nagkaroon lang daw ng kontro­bersya sa pagkapanalo noon ni Nora Aunor sa ‘Atsay’ (na kanyang idinirek) over Vilma Santos sa ‘Rubia Servios’ noong 1978 Metro Manila Film Festival kung saan nasolo ni Ate Guy ang tropeo bilang Best Actress.