ILANG beses ding nag-post si Edgar Allan Guzman sa kaniyang Instagram account ng pasasalamat sa pagkapanalo niyang Best Supporting Actor sa MMFF 2017.

Dati raw sa parada lang okay na siya pero ngayon, “Nagkaroon ako ng dahilan para gumawa pa ng maganda at makabuluhang pelikula!”

Marami siyang pinasalamatan bukod sa kaniyang pamilya na all-out ang suporta sa kaniya. Ang T-Rex na nag-produce ng Deadma Walking, ang co-actor niyang si Joross Gamboa at ang manager niyang si Noel Ferrer.

Muli naming pinanood ang Deadma Walking at naririnig namin sa mga nanonood ang puri nila kay EA.

Ganundin ang obserbasyon nila na hindi lang daw pang-best supporting actor ang dapat na mapanalunan kundi Best Actor.

“Ako naman po kahit saan, ang mahalaga sa akin ‘yung ma-touch ko ‘yung puso ng mga tao. Kahit papano naparamdam ko sa kanila na totoo ‘yung ginawa ko sa pelikula.

Para sa akin po, walang issue kung Best Actor o Best Supporting Actor. Wala po akong tanong kung bakit ganu’n. Siguro ‘yun po ang tingin nila na ginawa ko sa pelikula. Para sa akin, isang karangalan na po ‘yun,” sabi pa ni EA.

Tingin nga niya, blessing sa kaniya iyun na hindi sila naglaban ng bestfriend niyang si Joross Gamboa.

Maga­ling din si Joross, pero ibinigay ng mga hurado ang naturang award kay Derek Ramsay.

Dahil sa pagkapanalo ni EA sa MMFF 2017, lalo raw siyang na-ins­pire na magtrabaho. Agree siya agad sa amin na tama ngang sa career muna mag-focus at huwag munang mag-lovelife.

Na-realize nga raw niyang mahirap talagang pagsabayin ang career at lovelife, na apektado ang trabaho kapag in love.

“Noon ko pa po na-realize. Nagkamali lang po talaga ako. Hindi ko napigilan ang sarili ko. Pero this time, tama nga naman ang sinasabi ng mga taong nakapaligid sa akin, ‘yung mga taong may concern sa akin na oo nga ‘pag wala nga si­gurong pagmamahal ng iba, mas bright ang future mo eh. Naniniwala po ako du’n,” dagdag niyang pahayag.

Siyanga pala, tuloy pa rin ang My Korean­ Jagiya ng aktor, na mukhang extended pa rin daw.

P1 bilyon kita sa MMFF kayang-kaya nina Vice, Coco

NARITO ang huling update ng MMFF Executive Committee kaugnay sa box-office results ng 2017 film festival.

“On the 3rd day of MMFF 2017, we have surpassed the TOTAL GROSS of the ENTIRE RUN of MMFF 2016.

“True to their word, theater operators have given more screens to the awarded films.
“Ituloy natin ang pano­nood ng pelikulang Pilipino!
“MMFF 2017 Magkaisang Mapaunlad ang Filipino Films.”

Sa pagkakaalala namin, mahigit P400 million ang kinita ng buong MMFF 2016, at kung nalagpasan na ito ngayong taon sa pangatlong araw pa lang, ma­laki ang posibilidad na maabot nila ang target na mahigit­ isang bilyong­ piso ang kikitain sa buong festival.

Sa January 7 pa magtatapos ang MMFF, at puwede talagang mangyari iyun. Sabi nga ng ilang napagtanungan namin, sa dalawang pelikula pa lang, ang Gandarrapido: The Revenger Squad at Ang Panday, kayang makuha ang target na isang bilyong piso.

Kahit wala pang inilabas na unofficial man lang na box-office returns, kitang-kita naman itong pelikula nina Vice Ganda at Coco Martin lang ang namamayagpag sa takilya.

Pero pagkatapos ng Gabi ng Parangal, medyo bumabawi na sa takilya ang ilang pelikulang humakot ng awards.