Kumpiyansang inanunsyo ng Department of Tourism (DOT) na walang epektong idinulot sa lagay ng turismo ng bansa ang serye ng kidnapping sa Mindanao na kinasasangkutan ng bandidadong Abu Sayyaf Group (ASG).
Sa halip umanong bumagsak ang turismo ay lumobo pa ang bilang ng mga turistang bumisita sa bansa noong mga panahong mainit ang isyu sa kaliwa’t kanang pagdukot ng ASG lalo na sa mga dayuhan.
Sa ulat ng DOT, tumaas ng 14 porsiyento ang bilang ng mga turistang bumisita sa bansa noong buwan ng Marso kung ikukumpara sa kahalintulad na record nakaraang taon.
Ayon sa DOT, natabunan ang usapin ng kidnapping sa Mindanao dahil sa ipinatupad na agresibong marketing strategy ng departamento at naging tagumpay naman sila dahil natabunan ang mga negatibong imahe dulot ng serye ng pagdukot na ginawa ng Abu Sayyaf.
Kaya naman positibo ngayon ang DOT na maaabot pa ang anim na milyong target na tourists arrivals ngayong taon.
Sinasaluduhan natin ang DOT dahil kanilang nalagpasan ang nasabing krisis na dulot ng walang puknat na panliligalig ng mga bandidong grupo.
Pero huwag sanang makampante ang gobyerno at kumilos upang matuldukan na ang walang puknat na pagdukot na ginagawa ng nasabing grupo.
Hindi dapat makuntento ang ating gobyerno na hindi naapektuhan ang turismo sa mga pangyayari dahil hindi malayong mas malawak na pinsala ang idudulot nito sakaling magpatuloy sa paghahasik ng lagim ng mga rebelde dahil sa kabiguan ng mga awtoridad na lipulin ang mga masasamang-loob na mga galamay ng ASG.