EDITORIAL: May mintis pero may napatunayan

duterte-drug-problem

Nalagpasan na ng gobyernong Duterte ang unang 50-araw sa tungkulin.

Kaya naman sinusukat ngayon ng taumbayan kung may napatuna­yan na ang liderato ni Pangulong Rodrigo Duterte sa loob ng 50-araw sa poder.

Sa ganang amin kung tutumbukin ay ang ipinangakong paglutas sa problema sa iligal na droga ay masasabi nating umabante na ang laban dito ng gobyerno.

Kasabay ng unti-unting paglusaw sa problema sa iligal na droga ay ang pagbaba rin ng antas ng mga krimeng nangyayari sa ating bansa na kapwa pangunahing puntiryang tuldukan ng administrasyong Aquino.

Gayunman, kasabay ng pag-usad ng kampanya kontra iligal na droga ay maraming naging isyu at ikinabit dito ang usapin ng extra-judicial killings dahil sa walang habas na pagtumba sa mga sangkot sa operasyon ng iligal na droga.

Umusad na rin ang matagal nang nabinbing Freedom of Information (FOI) dahil sa inilabas na executive order (EO) patungkol dito ni Pangulong Duterte na napakahalagang batas upang magkaroon ng transparency sa mga transaksyon sa gobyerno.

May mga proyekto na ring matagal na natengga sa nagdaang administasyon na maghahatid ng kapakinabangan ang sinimulan na at hindi malayong matapos na dahil sa pagtutok dito ng gobyerno.

Kaya sa kabuuan ay masasabi nating may magandang pina­tutunguhan ang administrasyong Duterte na mahigit 50-araw pa lamang sa tungkulin.

Dahil pasado ang gobyerno sa unang 50-araw ang atin namang hamon sa susunod na 50 pang araw para mabuo ang 100-araw na sinasabing honeymoon period ay mapanagot din ang malalaking isdang pinapangalanang sangkot sa iligal na droga.

Hindi tamang inaanunsyo lamang ang kanilang mga pangalan pero kalaunan ay nakakabalik sa kung saanmang puwesto sila naroroon.

Ang dapat kalakip ng pagbubunyag ng kanilang partisipasyon sa operasyon ng iligal na droga ay pagbalandra ng mga kaukulang ebidensiya upang gumulong ang kaso laban sa mga ito at mapagdusahan anuman ang naging pagkakasala nila sa bayan.