Iniutos ng Department of National Defense (DND) sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na imbestigahan ang inilunsad na airstrike ng gobyerno na ikinamatay ng may 11 sundalo at pagkasugat ng pito pa sa ginawang opensiba laban sa teroristang grupong Maute.
Mismong si DND Secretary Delfin Lorenzana ang nagsabing ipapaimbestigahan niya ang pangyayari upang malaman ang buong pangyayari.
Kaakibat ng pagpapaimbestiga ng pangyayari sa AFP ay nagpahayag ang pinuno ng DND na kung walang mapapatunayang nagkasala sa sumablay na airstrike ay ikunsidera na lamang itong ‘charge to bad experience’.
Bilang mga pulis o sundalo alam ng mga ito, ng kanilang pamilya at maging ng publiko na bahagi ng kanilang buhay ang pagsuong sa peligro o kapahamakan.
Kumbaga, pumasok ka sa militar o sa pagka-pulis ay kadalasang nasa hukay na ang isa mong paa.
Kadalasan ang mga napapatay ay nabibigyan ng parangal dahil sa kabayanihang kanilang ipinamalas at bilang pagtatanggol sa bayan.
Pero ang sinapit ng 11 sundalong namatay at 7 nasugatan nang dahil sa palpak na airstrike ng gobyerno ay hindi natin kayang tanggapin nang ganu’n na lamang, na i-charge ito bilang isang masamang karanasan na katulad na nais mangyari ng pinakamataas na opisyal ng militar.
Nasaan ang katarungan sa kamatayang sinapit ng mga tropa ng gobyerno, kung sa simula pa lamang ay parang wala nang gustong panagutin sa pangyayari ang DND?
Ang sa amin, pagmalasakitan niyo naman ang tropa ng gobyerno bilang pinuno, lalo na sa ganitong sitwasyon kung saan ay kailangan nila ng proteksyon.
Higit sa lahat ay dapat na mapanagot ang nasa likod ng kapalpakan.
Gamitin din sanang leksyon ang pangyayaring ito upang hindi na maulit pa sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga bihasang tauhan ng militar sa ganito kasensitibong operasyon.