EDITORIAL: Sa pamumuno nagsisimula ang pagbabago

Wala pang isang buwan sa poder si Pangulong Rodrigo Duterte pero napakarami nang pagbabago ang naipamalas ng kanyang liderato.

Simulan na lamang natin sa oathtaking ni Pangulong Duterte noong Hunyo 30 kung saan ay nanaig ang kasimplehan ng mga opisyal ng gobyerno. Mula sa pananamit hanggang sa pagkain.

Ang kasimplehang ito ay muling ipapakita ng kasalukuyang gobyerno sa kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte dahil sa pagbabawal sa mga mam­babatas na magsuot ng magagarang kasuotan.

Hindi lamang iyan dahil pinasimple rin ang mga ihahandang pagkain sa mga dadalo sa okasyon. Malayung-malayo sa mga nakasanayang sistema sa Kongreso tuwing SONA na paistaran at talagang pinaglalaanan ng malaking pondo hanggang sa pagkain at kung anu-ano pang gastusin na hindi naman importante lalo’t higit ay hindi maghahatid ng benepisyo o kapakinabangan sa taumbayan.

Magandang ehemplo talaga ang pinakikita ng gobyernong Duterte kaya’t naniniwala kaming malawakang pagbabago ang mangyayari sa ating bansa dahil mismong ang mga lider ang nagpapasimula ng pagbabago.

Dahil sa mga pagbabagong nagaganap sa ating lipunan ay hindi talaga malayong makamit natin ang inaasam na ginhaw­a ng bawat mamamayang Filipino na siya namang ipinangako sa atin ni Pangulong Duterte.

Ang nangyayaring ito sa ating gobyerno ay pagpapatunay lamang na sa lider talaga nagsisimula ang pagbabago.