Eh kasi bagito

For the record by Jeany Lacorte

Jeane Lacorte

Kitang-kita ang pagiging bagito ng kampo ng isang kongresista na naghahangad na maging speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Paano kasi isang text message na mula sa head ng opisina ni candidate Cong ang kumakalat ngayon sa mga congressman na naglalaman ng imbitasyon para sa isang pulong na gagawin sa Hunyo 30 sa isang gusali sa Kamara.

Usap-usapan ng mga iniimbitahang kongresista dito na raw magaganap ang presyuhan ng boto.

Ibig sabihin hindi natinag ang mga may pakana ng bilihan ng boto sa kabila ng pagkakabuking sa kanilang masamang plano.

Nauna nang napaulat na mistulang nagkaroon ng highest bidder sa pagpili ng Speaker of the House dahil sa lumabas na presyong P500K-P1M bilihan ng boto ng mga naghahangad na maging pinuno ng Kamara.

Mukhang kering-keri ni Cong ang mil-yong bayaran dahil sa buhos na suportang inaani.

Kaya naman suklam na suklam ang isang source natin sa aniya ay lantaran at harapang vote buying na ginagawa sa mismong loob ng iginagalang na institusyon ng Kongreso.

Sina Marinduque Cong. Lord Allan Velasco at Leyte Rep. Martin Romualdez na kapwa nag-aambisyong maging Spea-ker ay nauna nang naghugas-kamay sa alegasyon.

Kasama ring matunog na kandidato ay sina Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at Davao Rep. Pantaleon Alvarez.

***
Winner na winner pala itong si Batangas Governor Hermilando Dodo Mandanas dahil sa malaking botong kanyang tinanggap sa katatapos na eleksiyon.

Take note, hindi lang winner dahil tinalo ang kanyang nakatunggali sa pagka-gobernador kundi record-breaking ang kanyang panalo dahil lumagpas sa isang milyon ang kanyang nakuhang boto.

Ayon sa Comelec, mula sa kabuuang 1,116,651 mga botante sa Batangas ay nasungkit ni Mandanas ang 1,078,447 boto habang kumain naman ng alikabok ang kanyang pinakamalapit na katunggali na nakakuha lamang ng mahigit 28,000 boto.

Record-breaking ang malaking botong nakuha ni Mandanas na nasa ikalawang termino bilang gobernador sa kanyang pagbalik silbi sa Batangas at patunay ito na mahal na mahal siya ng mga Batangueno.

Sabagay hindi naman makakakuha ng malaking boto si Mandanas kung may bahid ng katiwalian ang kanyang pamumuno.

Bukod pa sa love si Gov ng buong Batangas dahil sa pagiging maka Diyos at makatao niya.

Maka-Diyos si Mandanas dahil siya ang nasa likod ng pagtayo ng dinada-yong Montemaria resort sa Batangas City. Ito ay bahay dalanginan pero maari kang mag-enjoy sa bonggang mga pasilidad dito.

Isama mo pa ang suporta ni Gob sa mga estudyante sa kanyang lalawigan at sa ating balita ay may libu-libong iskolar na ito na sa huling tala ay pumalo na pala sa 25K.