Isang hudyat sa Kongreso para magkasundo at magpasa ng batas na magsisilbing sandigan ng magandang pamamahala at laban sa korapsyon ng administrasyong Duterte ang executive order na magpapairal ng Freedom of Information (FOI) sa lahat ng executive office ng gobyerno.
Pinuri ni BIBLEMODE president at dating mambabatas ng Maynila Benny Abante, na siyang may akda sa FOI bill sa ika-13 Kongreso taong 2010, si Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang matapang na hakbang na unahan na ang Kongreso sa pag-implementa ng FOI bill na magpapalawig ng transparency, accountability at citizen participation sa pamamahala ng bansa.
“Sinimulan na ng ehekutibo ang FOI sa lahat ng transaksyon ng pamahalaan, napapanahon na rin para sa mga nahalal na mga mambabatas na sundan ang ehemplo ng Pangulo at magsabatas ng isang FOI na magpapalaganap ng bukas at walang itinatagong transaksyon sa lahat ng sangay ng pamahalaan,” ani Abante na kumantyaw din sa mga dating kasamahan sa Kongreso dahil sa kanilang kabiguan at kawalan ng ‘political will’ na isulong ang FOI. “Madami malamang silang itinatago,” sundot pa nito.