Nagposte si Filipino pole vaulter ace Ernest John Obiena ng season-best leap na 5.50 meters para sa breakthrough win sa katatapos na European Athletics Classic-22nd International Meet sa Velenje, Slovenia.

Inabot ni Obiena ang impresibong lundag sa second attempt sa nine-man, karamiha’y European field – na nagtabla sa kanya sa top honors kay Slovenian Olympian at dating world youth champion Robert Renner, na nakagawa rin ng 5.50m sa pangalawa rin niyang paglundag.

Tersera si Portuguese Ruben Miranda sa 5.00m kabuntot sina Italian Max Mandusic at Slovenian Ambroz Ticar, na may identical 4.80m marks.

Sinubukan pa ng 21-year-old na si Obiena na maitaas pa ang marka at ma-break ang kanyang personal best at Philppine record na 5.55m pero may tatlong ulit sumala sa 5.56m attempts.

Nakabase ang pole vaulter buhat sa University of Santo Tomas sa Europe training sa ilalim ni Vitaly Petrov ng Ukraine at nakiki­pagkumpitensya sa ilang paligsahan bilang paghahanda sa 29th Southeast Asian Games sa Agosto 19-31 sa Kuala Lumpur, Malaysia, kung saan patok siya sa gold, at sa 16th IAAF World Championships sa Aug. 5-13 sa London, England.

Samantala, apat na mga kakwadra ni Obiena na mga SEA Games-bound din ang mga hindi nagpahuli sa kanyang performance nang makadale rin ng mga golds noon namang Sabado sa Hong Kong Inter-City Athletics Championships.

Wagi si Archand Bagsit sa 200-meter sa 21.71 clockings habang tagumpay si Janry Ubas sa long jump sa 7.67m ng men’s divisions.

Natudla ni Eloisa Luzon ang ginto sa 200m sa time na 24.94 at pumrimera si Katherin Khay Santos sa long jump sa 6.06m sa women’s side.

Nagbaon si Patrick Unso ng best qualifying time na 14.15 secs. para makaabante sa 110m hurdles finals, kasama si Clinton Kingsley Bautista na naka-14.39.