Tinawag ng Malacañang na ispekulasyon ang agam-agam ng ilang sektor sa posibilidad na ma-extend ang umiiral na enhanced community quarantine sa buong Luzon.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na hanggat maaari ay iwasan ang ispekulasyon lalo na kung wala namang inaanunsiyo ang gobyerno.
Muli na namang kumalat sa social media nitong Huwebes ang isang fake news kung saan inianunsiyo umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang extension ng ECQ hanggang May 2020.
Agad na pinabulaanan ng Palasyo ang kumalat na post sa social media.
Sinabi naman ni Andanar na ang pinakamainam na gawin ng publiko ay manatili sa loob ng kanilang mga bahay, magkaroon ng social distancing at sundin ang mga abiso ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019.
” That is very speculative. As much as possible, sana hindi na ma-extend. Kaya the best thing to do is stat at home, social distancing, physical distancing, sundin natin ang ating pamahalaan nang sa ganon ay mapigilan natin ang pagkalat ng COVID-19,” ani Andanar.
Nagbabala ang kalihim na may mabigat na parusa ang mahuhuli at mapapatunayang nasa likod ng fake news, sa ilalim ng bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte , partikular ang The Bayanihan To Heal as One Act. (Aileen Taliping)