Suportado ng Philippine National Police (PNP) na manatili muna sa New Bilibid Prison (NBP) ang mga kasapi ng PNP-Special Action Force (SAF).

Ito ay matapos pumayag si PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa hiling ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre na palawigin pa ng tatlong buwan sa NBP ang SAF.

Ayon kay Dela Rosa, suportado niya ang hakbanging ito ng Department of Justice (DOJ).

Gayunman sinabi ni Dela Rosa na kailangan muna nitong kausapin ang director ng SAF na si Chief Supt. Benjamin Macli-ing Lusad para abisuhan na paghandaan ang panibagong sets ng SAF members na ipapalit sa unang batch ng nagbantay sa NBP.

Binigyan diin ni Dela Rosa na mahalaga ang magkaroon ng relyebo o palitan ng mga tao o batal­yon na nagbabantay sa NBP para maiwasan ang familiarization nito sa mga bilanggo.

Una nang inihirit ni Aguirre na mapalawak pa ang pagbabantay ng mga SAF sa NBP dahil malaki ang naging pagbabago ng sistema sa kulungan mula nang magbantay ang elite force dito.