
Sa Central America, ‘El Destructor’ ang bansag kay Eugene Phelps.
Wala pang alam ang Filipino basketball fans sa kalibre ni Phelps. Hanggang kagabi, nang manalasa ito sa Smart Araneta Coliseum.
Nagpakilala si Phelps sa nilistang conference-high 52 points, 16 rebounds para halos mag-isang buhatin ang Phoenix sa 120-107 win laban sa GlobalPort sa PBA Governors’ Cup.
Partida na, dahil basag pa ang labi ng replacement import kay Marcus Simmons, nalagasan ng ipin pero parang bagyong nanalanta sa last two quarters nang magpasabog ng 27 points kabilang ang eight sa last 14 points ng FuelMasters na tuluyang nag-iwan sa Batang Pier.
Tumapos si Phelps, kagagaling lang sa paglalaro sa Puerto Rico, ng 18 for 30 mula sa field at 15 of 21 sa free throws. May panahog pa siyang six assists na sumapaw sa kanyang three turnovers.
Itinulak noon ni dating PBA coach Bill Bayno na kunin na ng FuelMasters si Phelps, pero mas pinili ni Phoenix coach Ariel Vangruardia si Simmons.
“It was my mistake not to bring him earlier,” pag-amin niya. “He was ‘El Destructor’, ‘The Destroyer.’ He showed why he was ‘The Destroyer’. According to coach Bill, if he can dominate in Puerto Rico, he can dominate the PBA.”
May tig-27 points sina Stanley Pringle at Mike Glover sa GlobalPort, wala pang panalo sa apat na laro.
Nalagasan ng front tooth si Phelps nang masiko ni Glover 10:41 pa sa third. Pati ang siko ni Glover, dumugo. Ipinatanggal ang ngipin sa league doctors sa dugout, pagkatapos ay bumalik si Phelps 5:31 sa period at iginuhit ang kanyang 12 points tungo sa 86-85 Phoenix lead papasok ng fourth.
Tuwing nagtatangkang dumikit o kumalas ang Batang Pier, laging may sagot si Phelps hanggang burahin ang dating 44 points ni Henry Walker ng NLEX.
Siya na ang may pinakamagarang debut sa imports sapul nang magsumite ng 56 si Darius Rice para sa Purefoods noong 2008 Fiesta Conference.