Nagpahayag ang environmental lawyer at ngayo’y isa sa mga pambato ng PDP-Laban sa Senado na si Atty. Francis Tolentino na dapat na paghandaan ng mga mamamayan ang napipintong paglukob ng El Niño sa bansa.
Tinatayang tatama ang matinding tagtuyot sa Pilipinas ngayong taon kung kaya’t maaga pa lamang, hinihimok na ni Tolentino ang mga Pilipino na maghanda sa posibleng epekto ng nasabing phenomena sa buhay at hanapbuhay ng ating mga kababayan.
Ayon kay Tolentino, magkakasanga ang epekto ng El Niño sa pamumuhay at kabuhayan ng mga Pilipino.
“Chain reaction ang inaasahan natin sa pagdating ng tagtuyot. Apektado ang agrikultura at produksyon ng pagkain dahil sa pagkatuyo ng lupa; apektado ang suplay ng tubig; tataas ang presyo ng pagkain dahil sa mababang suplay; tataas ang konsumo sa kuryente dahil sa init ng panahon; tataas ang kaso ng mga sakit na karaniwang bunsod ng napakainit na panahon tulad ng heat stroke at skin asthma.
“Mainam na paghandaan, hindi lamang ng pamahalaan, kundi maging ng mga ordinaryong mamamayan ang mga ganitong kaganapan upang mabawasan ang epekto ng El Niño, lalong-lalo na sa kalusugan ng ating mga kababayan,” ayon sa kandidato sa pagka-senador.
Dagdag pa ni Tolentino, ang parating na El Niño ay patikim pa lamang ng inaasahang malawakang krisis sa tubig pagdating ng 2025. Hinihikayat ng dating kalihim ang ating mga kababayan na maging matalino sa paggamit ng tubig ngayon pa lamang at makiisa sa mga hakbangin ng pamahalaan upang mapangalagaan ang mga pinagkukunang tubig natin sa bansa.