Sabi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), nagsisimula pa lang ang El Niño phenomenon o dryspell/tagtuyot sa Pilipinas.

Ibig sabihin, titindi pa ito. Itong nararanasan ngayon ay sampol pa lang.

Bagama’t ang pinakamalaking perwisyo ng matin­ding tagtuyot ay lumalatay sa Metro Manila sa anyo ng malalang water shortage, hindi rin dapat kalimutan ang hagupit nito sa mga magsasaka.

Sa ulat ng isang TV network, damang-dama na raw ngayon sa mga bukirin ng Bohol at La Union ang tagtuyot.

Umabot pa sa sukdulang magrenta ng water pump ang mga magsasaka para matubigan ang kanilang mga pananim. P400 kada araw daw ang gastos. Susmaryosep! Ang mahal nu’n! Hindi masisisi ang ilang magsasaka na sumuko na lalo’t wala silang pamuhunan sa dagdag-gastos na water pump.

Paliwanag naman ng lokal na irigasyon, Enero pa lang ay pinayuhan na nila ang mga magsasaka na ­huwag magtanim sa matataas na lugar dahil hindi talaga ito mararating ng patubig.

Noong Pebrero ay nagsimula na raw magbitak-bitak ang lupa.

Ngayon lalong kailangan ang cloudseeding. Ulan lang ang makakaresolba sa problema ng mga magsasaka.

Sana ay ipaloob naman sa mga pulong ukol sa water crisis ang problema ng mga nagsasaka sa patubig dahil gaya ng pangangailangan ng mga taga-Metro Manila sa tubig, urgent din ang pangangailangan ng mga naluluging magsasaka.