Nakakalungkot isipin na sa gitna ng nagbabadyang krisis sa tubig dito sa Metro Manila ay ilang linggo na palang nananalasa ang El Niño phenomenon sa mga lalawigan at ang direktang epekto nito ay ang pagkasira ng mga pananim ng mga magsasaka.
Ayon sa tala ng Department of Agriculture nitong Martes (Marso 12), umabot na sa 13,679 ektarya ng bukirin ang apektado ng tagtuyot na dala ng El Niño at pagkasira ng may 22,918 tonelada ng mga pananim.
Bagama’t sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na 1 porsiyento lang ng sektor ng agrikultura ang apektado ng El Niño, malaki pa rin ang bilang ng mga magsasaka na umiiyak na ngayon dahil bukod sa nasira nilang ani ay problemado rin sila kung saan kukuha ng pera at tubig para sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Sa Occidental Mindoro halimbawa, umaabot na sa 3,000 ektarya ng bukirin ang apektado ng tagtuyot at sa ngayon ay ipinag-utos na ng mga lokal na pamahalaan ang paghuhukay sa mga natuyong ilog na pagkukunan nila ng tubig para sa irigasyon ng mga bukid. Umaabot na sa P185.1 million ang halaga ng nasirang palay samantalang P6 million naman ang halaga ng nasirang mais sa lalawigan.
Ayon kay Tony Gerundio na siyang regional director ng Department of Agriculture sa Region IV-B (Mimaropa), may 400 ektarya ng lupa na taniman ng palay at iba pang pananim ang hindi na puwedeng mataniman pa muli.
Apektado na rin ng El Niño ang lalawigan ng Pangasinan kung saan sobrang bumaba na ang lebel ng tubig sa mga balon kaya hindi na makakuha ng tubig ang mga water pump para sa irigasyon ng mga bukirin, ayon sa Federation of Irrigators’ Associations.
Maituturing ang lalawigan ng Cotabato sa Mindanao na may pinakamatinding hambalos ng El Niño kung saan umaabot na sa P362 million ang halaga ng napinsalang palay at P269 million naman ang halaga ng pinsala sa mais.
Ayon sa provincial office ng DA, tatlong buwan nang hindi nakakaranas ng malakas na ulan ang Cotabato kung kaya matindi ang naging epekto sa mga taniman ng palay at mais.
Ang malaking tanong ay kung napaghandaan ba ng Department of Agriculture ang nananalasang El Niño sa bansa at kung ano ang mga hakbang ngayon ng pamahalaan para maibsan ang epekto nito sa mga mahihirap na magsasaka.
Inaasahang mas titindi pa ang El Niño sa susunod na tatlong buwan dahil na rin sa climate change kung saan umurong na sa mga buwan ng Hulyo at Agosto ang simula ng tag-ulan kung kailan inaasahang muling tataas ang lebel ng tubig sa mga balon at dam.
Tiyempo namang panahon ng kampanya sa midterm elections ang El Niño kung kaya siguradong magiging election issue ito partikular sa mga kandidato ng administrasyon sa pagka-senador at mga incumbent officials sa lokal na antas. Abangan…