Eleazar kaisa ni Duterte kontra droga

Na-promote pala kamakailan lang bilang 3-star general ang isa sa hinahangaan nating opisyal ng Philippine National Police (PNP) na si Major General Guillermo Eleazar.

Dahil sa promotion ay isa na itong lieute­nant general at hinahawakan ang pang-apat na pinakamataas na puwesto sa PNP bilang directorial staff chief.

‘Yan ang maganda sa PNP kapag nakikitang ginagampanan mo nang mabuti ang iyong tungkulin ay tiyak ang promosyon.

Kaya hindi na natin ipinagtaka ang promotion ni general lalo na’t nasundan natin ang takbo ng kanyang karera sa PNP partikular sa Metro Manila.

Nasundan natin kung paano gampanan ni ge­neral ang mga iniatang sa kanyang trabaho. Pero ang hindi ko makakalimutan ay ang mga naging accomplishment niya sa pagiging hepe ng Quezon City Police District, Police Regional Office 4-A at National Capital Region Police Office na talagang winner.

Huwag din nating kaligtaan ang napakagandang papel na nagawa niya bago mawala sa NCRPO nang linisin niya ang New Bilibid Prison katuwang si Bureau of Corrections chief Gerald Bantag.

Hindi nga ba at nawala ang angas ng mga VIP at big-time drug lord sa NBP?

Sa suhestyon ni Gen. Eleazar ay pinagiba ang kubol ng mga ito na kuntodo aircon pa. Kumpiskado pati mga TV, component at gadget nila.

Ikot ang wetpaks ng mga walanghiyang peste ng lipunan na kahit nasa loob na ay nagagawa pang kontrolin ang drug distribution sa bansa.

Hindi ba’t malaking accomplishment ito sa marubdob na kampanya kontra iligal na droga ni Pangulong Rodrigo Duterte?

Sa ginawang iyon ni Eleazar na miyembro ng PMA Hinirang 1987 Class ay ipinamalas niyang kaisa siya ng gobyernong Duterte sa giyera sa illegal drugs.

Dahil iisa lang ang direksyon hindi na mamomroblema si Pangulong Duterte na puksain ang iligal na droga na hate na hate niya sapagkat ito rin ang tinatahak na direksyon ni Gen. Eleazar sakaling mapisil niya itong pamunuan ang PNP.

Ayaw nating magturo pero sa listahan ng mga nababalitang contender ay tanging si Gen. Eleazar ang nakikita nating may determinasyon na ipagpatuloy ang laban sa iligal na droga at pagsugpo sa iba’t ibang krimen, gayundin ang paglinis sa hanay ng PNP.